Gulat ang naging reaksyon ng mga manonood sa isang show ng bandang Siakol nang biglang binagsak ng bagong bokalista nito ang hawak na mikropono habang nagtatanghal.
Sinabihan pa nito ang operator ng sound system na respetuhin ang banda.
Ayon sa bokalistang si Warren Antig Aurin, gusto niya lamang magkaroon ng magandang show, pero low quality ang kanilang sound system. Ibinahagi niyang nakailang ulit na siyang nagsabi na ayusin ito. Umabot na lang ang banda sa kanilang ikaanim na kanta, ngunit magulo pa rin ito.
Dahil dito, hindi na niya napigilan ang kanyang emosyon at naibato ang mikropono.
Aminado naman si Warren sa kanyang pagkakamali at humingi ng tawad.
Aniya, posibleng nagsabay-sabay ang kanyang naramdamang pagod at puyat mula sa kanilang sunod-sunod na biyahe, maging sa sobrang init ng panahon.
Paglilinaw niya, wala siyang nasirang gamit dahil pagmamay-ari niya ang ibinatong mikropono.
Nagpasalamat naman si Warren sa mga nakaunawa sa kanya.