Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bar topnotcher na si Budget Undersecretary Janet Abuel bilang acting Secretary ng Department of Budget and Management (DBM).
Kasunod na rin ito nang pagtalaga ng Pangulo kay Budget Secretary Benjamin Diokno bilang governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas kapalit ni Nestor Espenilla na sumakabilang buhay dahil sa kanser sa dila.
Si Abuel ay nagtapos ng Master of Public Administration sa Lee Kwan Yu University sa Singapore at Master of Laws sa University of Sydney sa Australia.
Samantala, nagpasalamat naman ang Malacañang sa serbisyo ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa DBM.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi matatawaran ang paglilingkod ni Diokno sa pamahalaan.
Tiwala aniya silang magpapatupad ng mga reporma sa BSP si Diokno.
Naniniwala si Panelo na nasa mabuting kamay ang mga nasa banking institutions ngayong si Diokno na ang mamumuno sa BSP.
Lumutang din ang iba’t ibang reaksyon sa pagkakatalaga ni Budget Secretary Benjamin Diokno bilang governor ng BSP.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, si Diokno ay isang seasoned technocrat at professional manager kaya’t dapat lamang ito sa bagong puwesto.
Hindi aniya matatawaran ang kakayang magsilbi ni Diokno dahil expert ito sa macroeconomics at mayruong malawak na karanasan sa pamamahala sa gobyerno at sa pribadong sektor.
Ikinabigla naman ng BSP community at maging ng banking sector ang nasabing appointment ni Diokno.
Sinabi ni financial analyst Astro del Castillo na bagamat ekonomista, posibleng matagal na panahon pa ang gugulin ni Diokno para makapag-adjust sa bagong tungkulin.
Si Diokno ang tatapos na sa termino ng sumakabilang buhay na BSP Governor Nestor Espenilla hanggang July 2023.
—-