Bukas sa pakikipag-diyalogo sa kasalukuyang administrasyon ang bagong Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na si Davao Archbishop Romulo Valles.
Ayon kay Valles, kahit kapwa nagpapalitan ng batikos ang gobyerno at Simbahang Katolika ay ipagpapatuloy nila ang kanilang pakikipag-usap sa administrasyon alinsunod sa turo ng ebanghelyo.
Sa nakalipas na liderato ng CBCP ay naging mainit ang banggaan ng administrasyong Duterte at simbahan sa ilang kritikal na isyu partikular ang war on drugs ng gobyerno.
Aminado naman ang Arsobispo na ‘medyo masuwerte’ siya lalo’t kapwa sila Davaoeño ni Pangulong Rodrigo Duterte bukod pa sa pagiging malapit na kaibigan ng arsobispo sa pamilya ng Punong Ehekutibo.
Pinalitan ni Valles si Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas matapos mahalal noong Hulyo 8.
Ang 66-taong gulang na arsobispo ay kasalukuyang archbishop ng Metropolitan Archdiocese ng Davao.
Si Valles ay inordinahan bilang pari sa edad na 24, naging bishop noong 46 taong gulang ito at makalipas ang siyam na taon ay naging archbishop ng Zamboanga noong 2006.