Nagpahayag ng suporta ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bagong commanding general ng Philippine Army na si M/Gen. Andres Centino.
Sinabi ni AFP Chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na tiwala sila sa kakayahan at magiging pakinabang ng army sa propesyonalismo, husay at kasanayan sa pamahalaan ni Centino.
Magandang pagkakataon din ani Sobejana ang pagdating ni Centino sa army ngayong maigting ang isinusulong nitong kampaniya kontra CPP-NPA, Abu Sayyaf at BIFF.
Itinalaga si Centino sa army bilang kapalit ni Lt/Gen. Jose Faustino na itinalaga namang special assistant to the chief of staff on peace and development.
Magugunitang hindi nakalusot sa Commission on Appointments si Faustino dahil kulang na sa anim na buwan ang magiging termino nito bago ang kaniyang pagreretiro sa Nobyembre. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)