Mino-monitor na ng pamahalaan ang B.1.1.529 variant ng COVID-19 na mayroong malaking bilang ng mutations na natuklasan sa South Africa.
Tiniyak ni Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles na nakatutok ang Malakanyang, Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) sa mga pinaka-bagong kaganapan.
Patuloy din anya ang pakikipag-ugnayan ng IATF at DOH sa World Health Organization.
Iniyayag naman ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na nakahanda silang magpatupad ng travel restrictions sakaling makita ng IATF na mayroong pangangailangan at kung may biglang sumulpot na mga bagong variant tulad ng natuklasan sa South Africa.
Samantala, siniguro rin ni Food and Drugs Director General Eric Domingo na iniimbestigahan na ng WHO ang B.1.1.529 variant at inaalam na kung mas nakakahawa ito at nakapagdudulot ng mas malalang sakit. —sa panulat ni Drew Nacino