Naglabas ng panibagong datos ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa resulta ng giyera kontra droga mula June 2016 hanggang May 31, 2020.
Sa harap ito ng umiinit na namang isyu ng drug war ng administrasyon sa international human rights organizations at activist groups sa Pilipinas.
Umaani rin ng pansin ang documentary film na, Aswang na nagdokumento sa giyera kontra droga ng Duterte administration.
Sa datos ng PDEA, mahigit sa 9,000 anila ang maituturing na high value targets sa mahigit sa 200,000 naaresto sa giyera kontra droga sa nagdaang apat na taon.
Taliwas sa mga lumalabas na bilang nasa mahigit 5,700 ang napatay sa mahigit 100,000 anti-illegal drugs operations na naisagawa ng otoridad.
Sa mga naarestong drug suspects, mahigit 300 dito ang empleyado ng pamahalaan, mahigit 300 ang elected officials at 90 ang uniformed personnel.