Sa harap ng sinasabing “gulo” sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, inihayag ni Senator JV Ejercito na dapat i-prayoridad ni bagong Defense secretary Carlito Galvez ang pagka-isahin ang Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Ejercito, isa ding hamon kay Galvez ang isyu sa pag-amyenda sa batas hinggil sa tatlong taong fixed term sa mga top officials ng AFP.
Maganda naman anya ang intensyon ng batas dahil maiiwasan nito ang “Revolving Door Policy” kung saan nagtatalaga o nagpo-promote ng isang AFP official kahit sa maikling panahon na lang ito manunungkulan para lang mapagbigyan.
Gayunman, aminado si Ejercito na ilan sa kanyang mga kasamang Senador ang nagsabing kailangan nilang amyendahan ang batas upang maging katanggap-tanggap sa mga sundalo, lalo na sa mga masasagasaan ang promosyon.
Kumpiyansa naman si Senator JV na kwalipikado si Galvez sa posisyon bilang Defense Secretary at wala rin itong magiging problema kapag isinalang sa Commission on Appointments para sa kumpirmasyon. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)