Welcome kay PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang inaasahang paghirang kay Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff Eduardo Año bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Dela Rosa, naniniwala syang malaki ang maitutulong ni Año lalo na pagdating sa pagdidisplina sa mga pulis.
Aniya, kilala niya ang heneral na may matinding dedikasyon sa trabaho, competency at disiplina.
Sinabi pa ni Dela Rosa na kumpyansa syang malaki rin ang maitutulong ni Año bilang isang military man sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Isang police official nakiusap na suportahan sa halip na batikusin ang mga naitalagang dating heneral
Nakiusap ang isang police official na suportahan sa halip na batikusin ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating heneral sa gabinete nito.
Ayon kay Northern Police District Director Police Chief Supt. Roberto Fajardo, walang dapat na ikagalit ang makakaliwang grupo at mga taga suporta nito sa mga heneral na nakapasok sa gobyerno.
Aniya, mayroon din namang mga cabinet members na nagmula sa makakaliwang grupo ngunit hindi naman tumutol ang militar.
Matatandaang inihayag ng Pangulo na itatalaga nya si AFP Chief of Staff Eduardo Año bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government kasunod ng pagtatalaga nito kay bagong Department of Environment and Natural Resources o DENR Secretary Roy Cimatu.
By Rianne Briones