Pinagsusumite ang lahat ng barangay officials sa buong bansa ng listahan ng mga hinihinalang drug pushers sa kani-kanilang mga nasasakupang lugar.
Ito ang iniutos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño kasunod ng kanyang pagkakatalaga sa ahensya.
Ayon kay Diño, ang direktiba ay pagtiyak na nakikiisa ang lahat ng mga barangay sa bansa sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Pagtitiyak pa ni Diño, papatawan ng parusa ang mga barangay officials na hindi susunod sa kanyang kautusan.
Una dito, nanawagan ang bagong DILG Officer-in-Charge na si Eduardo Año sa mga miyembro ng Team DILG na tuparin ng mabuti ang kanilang tungkulin at magbigay ng magandang serbisyo sa publiko.
Umapela din si Año ng suporta at pang-unawa sa publiko habang tinututukan at kinakaharap ng Team DILG ang mga hamon sa kanilang misyon.