Nagtalaga na ng bagong director general ng Bureau of Corrections si Pangulong Rodrigo Duterte kapalit ni Nicanor Faeldon na sinibak dahil sa kontrobersiya sa GCTA o Good Conduct Time Allowance.
Ito ay sa katauhan ni dating Manila city jail warden Gerald Quitaleg Bantag.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ibinatay ang pagkakapili kay Bantag dahil sa ipinakita nitong professional competence at katapatan sa kanyang tungkulin.
Dagdag ni Panelo, tiwala si Pangulong Duterte at ang Malakanyang na maipagpapatuloy ni Bantag ang kampanya ng pamahalaan kontra katiwalian gayundin ang pangunguna sa pagpapatupad ng reporma sa BuCor.
Magugunita namang naging kontrobersiyal si Bantag matapos ang nangyaring pagsabog sa dati nitong pinamumunuang Parañaque City Jail na ikinasawi ng sampung inmates noong August 2016.
Dahil dito, ipinagharap naman si Bantag sa sampung bilang ng kasong murder kasama ang iba pang mga opisyal ng Parañaque City Jail na sila JO2 Ricardo Zulueta at Victor Pascua.