Mas mabilis na disaster response mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dapat asahan ng mga Pilipino.
Ito ang sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao matapos magkaroon ng upgrade sa monitoring equipment ng ahensya para sa bagong lunsad nitong command center.
Matatandaang noong January 12, 2024, kasabay ng 73rd anniversary celebration ng DSWD, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang launching ng Disaster Response Command Center (DRCC).
Titiyakin ng DRCC ang pagkakaroon ng mas mahusay at mas pinabilis na disaster response at relief operations sa bansa.
Magsisilbi itong central hub para sa disaster monitoring, reporting, at coordination of preparedness and response efforts. Dito, masisiguro na ang lahat ng situation reports mula sa regional offices ng DSWD ay consolidated o sama-sama, automated, consistent, at compatible sa ibang command centers ng bansa.
Gamit ang teknolohiya at real-time data analysis, mas magiging masusi ang monitoring sa sitwasyon tuwing kasagsagan ng kalamidad. Mas mabilis nang matutukoy kung saang mga lugar sa bansa ang pinaka-nangangailangan ng tulong. Maaari na ring malaman kung saang field office ang mayroong available resources at kung alin dito ang pinakamalapit sa apektadong lugar. Sa ganitong paraan, magiging mas mabilis ang paghahatid ng disaster relief items at response para sa ating mga kababayan.
Noon pa man, isinusulong na ni Pangulong Marcos ang paggamit ng makabagong teknolohiya para sa disaster response. Sa pamamagitan ng pag-utilize sa teknolohiya, pati na rin sa patuloy na pagpapatupad ng education campaigns at simulation drills, tiyak na mas maraming buhay ang maililigtas.