Ginamit umano ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang pondo mula sa Disbursement Acceleration Program o DAP gayundin ang pork barrel funds para patalsikin ang yumaong Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa puwesto.
Ito ang nakasaad sa mga bagong ebidensyang ibinigay ni Presidential Anti-Corruption (PACC) Commissioner Greco Belgica sa Department of Justice (DOJ) laban sa dating Punong Ehekutibo kahapon, Pebrero 9.
Ayon kay Belgica, taong 2011 nang ipag-utos ng Korte Suprema ang pamamahagi sa farmer beneficiaries ng Hacienda Luisita ang mahigit isang bilyong pisong pinagbentahan ng limangdaang (500) ektaryang lupain ng RCBC at walongpo’t isang (81) ektarya ng BCDA para sa Subic Clark Tarlac Expressway sa loob ng Hacienda subalit pilit itong hinarang ng dating Pangulo.
Dahil hindi umano bumigay si Corona kahit na humingi pa ng audience sa kanya si Aquino, naging ‘obsession’ na ng dating Pangulo na mapatalsik sa puwesto ang namayapang Punong Mahistrado.
Pinalulutang aniya ng mga kaalyado ng dating Pangulo ang kung ano-anong alegasyon laban sa Pangulong Rodrigo Duterte para mapagtakpan at matakasan ang pananagutan sa mga nagawang krimen ng dating Pangulo kabilang ang sobra-sobrang korapsyon at pagsasamantala sa kapangyarihan.