Magpapalabas ng bagong ‘guidelines’ ang Department of Tourism o DOT sa mga negosyanteng planong magbukas ng resort sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng matinding problema sa ‘sewerage system’ sa isla ng Boracay kung saan direkta ng napupunta sa dagat ang mga dumi ng tao mula sa mga establisimiyento.
Sinabi ni Tourism Undersecretary Ricky Alegre na oobligahin nila ang mga resorts na magkaroon ng ‘water treatment facility’.
Bibigyan din aniya nila ng palugit na anim na buwan ang mga resorts na nakatayo na wala pang ‘water treatment facility’ para tumalima sa nasabing kautusan.
Samantala, tiwala si Alegre na papaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong na ‘state of emergency’ sa Boracay.
‘Drainage system’
Sisimulan nang bungkalin sa susunod na linggo ang mga ‘drainage system’ sa isla ng Boracay.
Ito ay para malaman na kung sino ang mga illegal na kumokonekta at nagtatapon ng ‘sewerage waste’ ng mga bahay at mga establisyimento sa nasabing isla.
Sinabi ni Rowen Aguirre, Executive Assistant ng Mayor ng Malay LGU na kanilang hihingiin ang tulong mga kontraktor sa isla para sa gagawing pagbubungkal at pagsuyod sa mga drainage canal.
Babala ni Aguirre na kanilang ipasasara ang mga gusali na mapatutunayang nagkaroon ng pagkukulang at paglabag.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanya lamang bibigyan ng anim na buwan na palugit ang Department Environment and Natural Resources o DENR para hanapan ng solusyon ang tumitinding problema sa polusyon sa itinuturing na ‘top tourist destination’ ng bansa.
—-