Naglabas ng mga bagong patakaran ang Department of Trade and Industry (DTI) na dapat sundin ng mga operators ng mall at magtutungo sa mga ito.
Ito ay kaugnay na rin ng mas pinaluwag na operasyon ng mga malls sa buong bansa.
Kabilang sa tinatawag na 7 commandments ng DTI, ang pagsusuot ng facemask at face shield; pagbabawal sa pagkain at pagsasalita sa public transport, kulob at matataong lugar; pagkakaroon ng sapat na bentilasyon sa lugar.
Gayundin ang pagsasagawa ng maayos na pagdi-disinfect; pag-isolate sa mga nagpositibo sa COVID-19 at tamang physical distancing.
Ayon sa DTI, maliban sa kanilang mga isasagawang inspeksyon, nagtalaga na rin sila ng consumer care hotline na maaaring pagsumbungan ng publiko sakaling may makitang paglabag ang mga operators ng mall.
Pinaalalahanan naman ng DTI ang mga mall na siguraduhin ang pagkakaroon ng physical distancing sakaling magkaroon sila ng malakihang sale lalo’t nalalapit na ang kapaskuhan.