Isasama na sa recruitment program ng Philippine National Police (PNP) ngayong taon ang mga aplikante na pasok sa bagong height requirement.
Ito ang inihayag ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas ukol sa pinababang height requirement para sa mga aplikante na nais maging miyembro ng pambansang pulisya at iba pang uniformed services.
Dahil dito, sinabi ni Eleazar na maaari nang mag-apply ang mga may height na 5’2” para sa mga lalaki at 5 feet naman para sa mga babae.
Ayon kay Eleazar, hindi dapat maging hadlang ang pisikal na katangian, lalo na ang height, sa mga indibidwal na nais maging bahagi ng kanilang organisasyon.