Ipinasilip na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang magiging bagong mukha ng limang piso at P20 na barya.
Ayon kay BSP – Security Plant Complex Senior Assistant Governor, Engineer Dahlia Luna, kanilang tinatawag na enhanced o mas pinaganda ang itsura ng limang pisong barya.
Aniya, binago nila ang hugis nito para maging distinct at hindi na mapagkamalan pa bilang 1 piso coin.
Sa galip na bilog, nilagyan na ng kanto ng BSP ang limang pisong barya at ginawang nonagon o hugis na may siyam na gilid.
Samantala, nadagdag naman sa mga perang barya ang P20 mula sa dating papel.
Nagtataglay ng two tone color na pilak at ginto ang benteng barya kung saan makikita pa rin ang mukha ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Sinabi naman ni Luna na nagpasiya ang BSP na gawing barya ang 20 para mas mapahaba ang buhay nito dahil ito ang pinakanagagamit aniyang perang papel.