Viral ang isang bagong mag-asawa sa Negril, Jamaica matapos “balikan” ang mga inimbitahang guests sa kanilang kasal na nangakong dadalo, subalit , hindi naman nagpakita sa mismong kasal.
Kasunod ito ng magkahalong emosyon ng netizens sa anila’y kakaibang paraan nang paniningil nina Douglas at Dedra Simmons sa mga nag-absent nilang wedding guests.
Naisip ni Douglas na gumawa at i-post sa facebook ang mock invoice kung saan nakasulat ang pagbabayad ng 240 dollars na ipinadala sa kada guest na hindi dumalo sa kanilang kasal bagama’t una nang nag-commit o nag RSVP pa.
Isa sa mga couple na hindi nagpakita sa kasal ang humingi ng sorry at nagsabing magbabayad na hindi naman tinanggap ni Douglas.
Ilan sa netizens ang nagsabing tama lamang ang ginawa ni Douglas dahil sa hirap ng preparasyon sa kasal samantalang ilan naman ang nagpahayag na hindi sila magpapadala ng resibo subalit hindi na nila iimbitahan ang mga hindi dumalo sa kanilang kasal.
Sa kanyang huling post, binigyang-diin ni Douglas na nais lamang niyang sabihing dapat maging considerate ang lahat at maging accountable na kung inimbita at nag-commit na sasaksi sa kasal, dapat nilang panindigan ito anupaman ang mangyari.