Bumaba na ang bilang ng mga bagong kaso ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD) sa Wuhan, China.
Matatandaan na sa Wuhan nagsimula ang bagong strain na ito ng coronavirus.
Ayon kay Department of Health (DOH) secretary Francisco Duque III, 20% ang ibinaba ng mga naitalang bago kaso mula nang ipatupad ang lockdown sa Wuhan.
Ang medyo gumagandang balita, ang new cases [ng nCoV] ay bumaba by 20%, so, ibig sabihin, mukhang nagiging epektibo ‘yung kanilang pagla-lockdown dahil bumaba ang reported new cases. I hope tuluy-tuloy na ‘yan,” ani Duque.
Sinabi ni Duque na batay sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), nasa 80% na mild lamang ang mga sintomas ng 2019 nCoV-ARD na kung tutuusin ay kayang labanan ng malakas na resistensya.
Gayunman, binigyang diin ni Duque na kailangan pa ring magpa-ospital ang isang positibo sa 2019 nCoV-ARD para maka-iwas sa mga komplikasyon.
Hindi rin natin masabi kasi kung biglang sumadsad ‘yung kanyang kaso, magkaroon ng acute respiratory distress syndrome –isa sa mga nakamamatay na komplikasyon pag napabayaan o huli na bago magpatingin sa doktor –pneumonia, ARDS, tapos kidney failure, tapos pwedeng mamatay,” ani Duque. —sa panayam ng Ratsada Balita