Nagpahayag ng pagkagalit ang Malakanyang sa pagkasawi ng isa na namang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait.
Matatandaang pinatay ang household worker na si Jeanelyn Padernal Villavende ng kanyang babaeng amo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang panibagong kaso ng pagkamatay ng isang OFW ay malinaw na pambabalewala sa naging kasunduan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 na kikilalanin at po-protektahan ang mga manggagawang Pilipino doon.
Kaugnay nito, tinututukan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kaso ni Padernal upang masigurong mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.
Inatasan na rin ang OWWA na bigyan ng kaukulang tulong tulad ng burial at livelihood assistance ang pamilyang naiwan ni Padernal.
Matatandaang nagpatupad ng deployment ban ang Pilipinas laban sa Kuwait matapos na matagpuan ang bangkay ni Joanna Demafelis sa loob ng isang freezer matapos na patayin ng kanyang employer.