Hindi pa natatanggap ng Maynilad at Manila Water ang bagong kontratang iniaalok ng pamahalaan.
Ayon kay Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo, kanila pang hinihintay ang kopya ng nirepasong concession agreement.
Sa kabila nito, tiniyak ni Rufo ang patuloy na pakikipag-ugnayan at kooperasyon ng Maynilad sa pamahalaan.
Sa panig naman ng Manila Water, tumanggi muna si Jeric Sevilla, tagapagsalita ng kumpanya na magbigay ng komento hangga’t hindi pa nila natatanggap ang kopya ng bagong kontrata.
Magugunitang nitong Martes, ika-7 ng Enero, nag-alok ng bagong concession agreement si Pangulong Rodrigo Duterte sa Maynilad at Manila Water kung saan inalis na ang mga sinasabing kontrobersiyal at hindi patas na probisyon sa kontrata.
Binalaan rin ng pangulo ang dalawang water concessionaires na itutuloy ang planong nationalization sa operasyon ng distribusyon ng suplay ng tubig at pagpapanagot sa mga nasa likod ng naunang kontrata sakaling hindi tanggapin ng mga ito ang bagong concession agreement.