Inilabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bagong listahan ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa bansa na posibleng mapili para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4PS).
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, hindi lahat ng nasa sa ilalim ng “Listahanan 3″ o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction List ay makakasama sa 4PS program dahil sa limitadong budget.
Nilinaw din ng kalihim na sa nasabing listahan sila pipili ng mga ipapalit sa tatanggaling 1.3 million pamilya sa naturang programa.
Pero, hindi naman aniya agaran ang hakbang dahil kailangan pa itong sumailalim sa proseso.
Nabatid na umabot sa halos 5.6 milyong mahihirap na pamilyang Pilipino ang nasa “Listahanan 3″ ng naturang kagawaran.