Ibinunyag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may hawak na dalawang listahan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng mga ninja cops.
Ito’y matapos ang naging pagpupulong nila NCRPO Chief Police M/Gen. Guillermo Eleazar at PDEA Dir/Gen. Aaron Aquino noong isang linggo para alamin kung sino-sino ang mga pulis na nakikipag-transaksyon sa isang drug queen ng Maynila.
Ayon kay Eleazar, binubuo ng anim hanggang pitong pulis ang bagong listahan ng PDEA habang ang dating listahan naman ay binubuo ng mga pulis na una nang ipinatapon sa malalayong lugar, nakasuhan na at ang iba’y nasibak na sa serbisyo o pinili nang mag-AWOL.
Sa kabila nito, naniniwala si Eleazar na mas mapabibilis pa ang kanilang trabaho laban sa iligal na droga kung maayos ang ugnayan ng pulisya at ng PDEA lalo aniya’t lumalabas na iisang tao lamang ang tinutukoy na drug queen na ilang beses nang inoperate ng mga awtoridad.
Kasabay nito, muling nanawagan ng tulong si Eleazar sa publiko para tulungan at suportahan ang pulisya sa pagbabantay upang masawata ang pamamayagpag ng mga tiwaling pulis sa lipunan.