Inulan ng batikos ang bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na nagkakahalaga ng mahigit P3-M .
Tila hindi nagustuhan ng mga social media user ang bagong disenyo ng logo ng ahensya na ikinumpara sa logo ng isang gasolinahan at inilarawan pa na parang demonyo at halimaw na may pulang mukha at dalawang sungay.
Iginiit pa ng ilang netizens na hindi katanggap-tanggap ang halaga ng ginastos para sa nasabing logo.
Matatandaang nitong Martes nang isapubliko ng pagcor ang bagong logo kasabay ng kanilang ika-apatnapung taong anibersaryo.
Batay sa notice of award na iginawad sa proprietor ng printplus graphic services na si francisco diplon, wala pang value added tax at zero-rated transaction rin ang mahigit P3-M na halaga ng logo.
Una rito, sinabi ni PAGCOR Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco na tampok sa bagong logo ang elemento ng apoy na sumisimbolo sa enerhiya, inspirasyon, passion at transformation ng ahensya.
Kinakatawan din nito ang apoy na nagmimitsa ng pagbabago at progreso, at ang liwanag para sa pag gabay at liderato, na nagsisilbing patnubay sa mga tao upang mahanap ang kanilang direksyon.