Ininspeksyon ni Manila City Mayor Honey Lacuna ang bagong renovate na Manila Zoo, na tinatawag na ngayong Manila Zoological and Botanical Garden.
Ito’y bilang bahagi ng paghahanda sa muling pagbubukas ng zoo sa publiko sa Lunes, Nobyembre a-21.
Dahil dito, tumaas na ang entrance fee sa nasabing atraksyon kung saan 150 pesos para sa mga Manileño habang 300 pesos para sa mga hindi taga-Maynila.
May diskwento naman sa mga estudyanteng taga-Maynila, 100 pesos habang at 200 pesos para sa mga non-residents na estudyante;20 percent discount sa mga senior citizen at persons with disability at libre ang mga batang edad dalawa pababa.
Samantala, pahihintulutan ang mga walk-in visitor pero hinihimok ng LGU ang mga bibisita na mag-register online dahil maaari lamang magsilbi sa 2,000 visitors na nakarehistro at 500 walk-in visitors.
Taong 2019 nang ipasara ang zoo dahil sa pagtatapon ng wastewater sa Manila Bay pero muling binuksan noong Disyembre bilang venue naman para sa COVID-19 vaccine rollout program at muling ipinasara noong Hunyo para sa rehabilitasyon. - sa panulat ni Hannah Oledan