Nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) ang bagong modus ng mga drug sindicate sa dalawang raid na isinagawa sa Ayala, Alabang Village sa Muntinlupa City.
Ito ay dahil sa pinaigting na information-sharing sa mga ahensya ng anti-narcotics ng gobyerno.
Ayon kay BOC acting commissioner Yogi Felimon Ruiz, naaresto ang limang katao at nakumpiska ang halos 150 million pesos na halaga ng shabu at iba’t ibang controlled precursors and essential chemicals at laboratory equipment sa pamamagitan ng BOC-Manila International Container Port-Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS).
Gumagamit umano ang mga sindikato ng acetone sa proseso ng liquid form ng shabu para hindi ito mangamoy, hindi gaya ng mga nakalipas na pagkakadiskubre ng mga otoridad sa mga shabu laboratories na inirereklamo dahil sa masangsang na amoy.
Magugunita na Hunyo pa lamang ay inanunsyo na ni BOC deputy commissioner Retired Major General Juvymax Uy na nakikipagsanib-puwersa ang BOC at PDEA para labanan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa. —mula sa panulat ni Hannah Oledan