Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa laban sa mga manpower at recruitment agency na nag-ooperate lamang sa social media tulad ng Facebook.
Ito ay matapos matuklasan ng DFA ang bagong paraan ng mga human traffickers na nambibiktima gamit ang social media at nag-aalok ng mga trabahong may mataas umanong sweldo sa Dubai at Iraq.
Ayon sa DFA, ilang mga kaso na ng human trafficking ang namonitor ng embahada ng Pilipinas sa Baghdad nitong mga nakalipas na buwan.
Kabilang anila dito ang isang human trafficking victim na nakulong ng tatlong buwan sa Basra Prison sa Iraq at napakawalan na para maipa-deport pabalik ng Pilipinas noong Abril 3.
Gayundin ang dalawa pang Pinoy na nailigtas ng mga opisyal ng embahada at sampung iba pa na nasa kanilang kustodiya na rin noong pang Enero ng kasalukuyang taon.
—-