Binalaan ni bagong National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Brigadier General Vicente Danao ang mga tiwaling pulis lalo na ang mga sangkot sa operasyon ng ilegal na droga.
Kasunod na rin ito ng pormal na pagsisimula ng panunungkulan ni Danao bilang NCRPO chief sa isinagawang change of command ceremony sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, kapalit ni bagong Philippine National Police (PNP) Chief Debold Sinas.
Sa kaniyang talumpati, ipinabatid ni Danao ang agarang pagpapatupad ng Oplan Litis sa mga tiwaling police officers.
Inaasahan niya aniyang lahat ng mga pulis lalo na ang mga nakatalaga sa Metro Manila ay makikiisa sa kaniyang mga programa lalo na ang kampanya kontra ilegal na droga at maaari aniyang lumabas ng organisasyon ang sinumang mawawalay ng landas.
Kasabay nito, tiniyak ni Danao ang pagpapalakas ng police visibility sa Metro Manila para matiyak sa publiko ang kanilang kaligtasan at proteksyon laban sa mga kriminal.