Asahan na ang mga bagong pagbubunyag at mga ebidensyang ilalabas ng mga testigo sa patuloy na pagdinig ng senado bukas, ika-11 ng Agosto, hinggil sa mga anomalya sa PhilHealth.
Ayon ito kay Senador Panfilo Lacson, sa gitna na rin nang ipinadalang medical advisory nina PhilHealth President at CEO Ricardo Morales at Executive Vice President Arnel De Jesus kaya’t hindi makakadalo sa pagdinig.
Sinabi ni Lacson na malaking kawalan sa mga nasabing opisyal ang hindi pagdalo sa pagdinig ng senado bukas dahil hindi nila masasagot ang mga bagong alegasyong ilalantad ng mga testigo.
Kaugnay nito, tikom pa ang bibig ni Lacson kung lalantad sa pagdinig si resigned PhilHealth Executive Estrobal Laborte gayundin si dating Senior Vice President August De Villa na nagbitiw nito lamang Huwebes, bagamat mayroon naman aniyang imbitasyon ang mga ito para humarap sa nasabing pagdinig.
Hindi man muling lumutang sa senado, inihayag ni Lacson na mahalagang maisumite ni De Villa ang mga dokumento kaugnay sa nabunyag na overpriced na 15 network switches na una na nitong ikinumit at pinanumpaan.