Opisyal nang umupo sa puwesto ang bagong Superintendent ng Philippine Military Academy na si Rear Admiral Cusi kapalit ng nagbitiw na si Lt. General Ronnie Evangelista.
Pinangunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at bagong talagang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. General Noel Clement ang turnover ceremony sa Borromeo Field ng PMA sa Fort Gregorio Del Pilar, Baguio City.
Ayon kay AFP Spokesman Marine Brig. General Edgard Arevalo, mahigpit ang naging tagubilin ni Clement kay Cusi na tiyakin ang isang positibong pagbabago sa PMA para tuluyang mabura ang kultura ng karahasan sa mga kadete.
Kumpiyansa rin aniya ang liderato ng AFP sa kakayahan ni Cusi para sa maayos na pamumuno at malinis ang dungis na idinulot ng panibagong kaso ng pagmamaltrato sa akademiya.
Bago maging PMA Superintendent, nagsilbi si Cusi bilang commander ng naval education training and doctrines command ng Philippine Navy at minsan na ring nanungkulan bilang pinuno ng tactics group ng PMA. — ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)