Winakasan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang sistema ng “endo” o end-of-contract.
Ito’y matapos lagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang bagong DOLE Department Order na nagsasaad na hindi na uubra ang endo sa mga kooperatiba at manpower agencies.
Batay sa bagong polisiya, hindi na pinapayagan ang pag-terminate ng serbisyo ng isang manggagawa pagkatapos ng kanyang service agreement sa kumpanya.
Dahil dito, inaasahan ni Bello na marami nang manggagawa ang mare-regular at magwawakas na rin ang mga illegal contractual employment.
Para matiyak na mga legitimate contractors lamang ang makakagawa ng mga contracting arrangement, itinaas ng DOLE sa limang milyong piso ang capital requirement mula sa dating tatlong milyong piso.
Nakasaad sa kautusan ng Dole na dapat hindi mawawalan ang contractor ng working capital requirement na katumbas ng 50 porsyento ng kabuuang sahod ng mga manggagawa upang matiyak na may ipambabayad ito sakaling magkaproblema sa koleksiyon.
Inatasan din ang mga contractor na magbigay ng financial assistance sa mga empleyado na naghihintay ng bagong assignment ng hanggang tatlong buwan.
By Jelbert Perdez