Itinuturing na ‘anti-competition’ ni Lawyers For Commuters Safety and Protection President Atty. Ariel Inton ang bagong probisyong ipinalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga motorcycle taxis.
Ito ay makaraang magtakda ang LTFRB ng industry cap o bilang ng mga motorsiklong papayagang bumiyahe bilang motorcycle taxis.
Kasabay naman ito ng pagpapalawig sa pilot run sa motorcycle taxi tulad ng Angkas at pagpasok na rin ng dalawa pang bagong players.
Ayon kay Inton, kalokohan ang sinasabi ng LTFRB na maaaring pumasok sa dalawang bagong player ang mga rider na matatanggal sa Angkas dahil sa industry cap.
Kinuwestiyon din ni Inton ang pagtanggap ng LTFRB sa dalawang bagong players gayung wala pang riders ang mga ito.
Ang katwiran ng LTFRB ay puwede naman daw sumali ‘yung 17,000 doon sa dalawang bagong player, malaking kalokohan ‘yon, una, wala pa palang rider ‘yung dalawa bakit mo tinanggap? Pangalawa, assuming may driver sila, e, paano naman sila matatanggap? At pangatlo, ‘yan ay anti-competition,” ani Inton. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas