Inilunsad na ng PhilHealth ang MyPhilHealth Portal na naglalayong mapabilis at gawing hassle-free ang pagbe-beripika sa eligibility ng mga miyembro nito.
Sa pamamagitan ng nasabing portal, maaari nang ma-verify agad-agad kung pwedeng maka-avail ng benefits ang isang miyembro na naka-confine sa ospital.
Mas madali ito kumpara sa dati na manu-mano ang pagberipika ng eligibilty ng isang miyembro kung saan pupunta pa ito sa PhilHealth office para mag-fill out ng form para mapatunayan na eligible ito sa mga benepisyo.
Ang kailangan lamang gawin ay ibigay sa nurse ang PhilHealth number ang buong pangalan at birthday ng pasyente at i-encode ng mga tauhan ng ospital ang mga impormasyon ng pasyente sa computer.
Kapag sinabi ng computer na “yes,” ibig sabihin, pwedeng makakuha ng benefits ang pasyente.
Kapag sinabi naman na “no,” ipapakita ng computer kung anu-ano pang mga dokumento ang kailangang ipasa ng pasyente.
Ayon sa philhealth, karamihan sa ospital sa buong bansa ngayon ay mayroon nang portal.
Malalaman ng mga miyembro ng PhilHealth kung mayroong portal ang isang ospital kapag may nakita itong sticker na nakapaskil sa admitting section, billing section o kaya’y sa emergency room ng health facility.
By: Jelbert Perdez | Jonathan Andal