Magpapatupad ng panibagong alituntunin ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa Blumentritt Public Market kasunod ng pagdagsa ng mga mamimili rito dahil sa pagsasara kamakailan ng Balintawak Market sa Quezon City.
Sa post online ng Manila Public Information Office (PIO), sinabi nito na simula ngayong araw, ika-15 ng Abril, magkakaroon na lamang ng tatlong entry at exit points sa lugar, iyan ang:
- Blumentritt Corner Rizal Ave.,
- Leonor Rivera Corner Antipolo
- At Blumentritt Corner Aurora Blvd.
ABISO: Simula bukas, Miyerkules, ika-15 ng Abril, mahigpit na magpapatupad ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng bagong regulasyon sa Blumentritt Market dulot ng pagdagsa ng mga mamimili sa pampublikong pamilihan.#AlertoManileno #COVID19PH pic.twitter.com/OSZPvRXDdE
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) April 14, 2020
Kasunod nito, papayagang mamili ang mga residente ng Maynila mula alas-5 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
At, ang mga hindi naman residente ng lungsod ay papayagang mamili mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-4 ng hapon.
Habang ang mga wholesale buyers naman ay mas matagal makakapamili mula alas-4 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Ang mas pinahigpit na panuntunang ito ay bunsod ng kasunduan ng lokal ng pamahalaan at limang barangay na nakakasakop sa lugar para mapanatiling nasusunod ang ‘social distancing’ sa harap ng covid-19coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.