Target ng pamunuan ng Metro Rail Transit-3 na makapasok na sa Mayo ang bagong rehabilitation and maintenance provider para sa MRT-3.
Ayon kay Aly Narvaez, Media Relations Officer ng MRT, sa ngayon ay kasalukuyan pa rin ang due dilligence study sa sistema ng MRT na isinasagawa ng may isandaang(100) engineers mula sa Japan.
Bagamat hindi pa sigurado, sinabi ni Narvaez na patungo ang direksyon nila sa pagbabalik ng Sumitomo Corporation bilang maintenance provider ng MRT-3.
Ang Sumitomo ang orihinal na maintenance provider ng MRT-3 bago ito pinalitan ng Busan Universal Rails na pinatalsik naman ng kasalukuyang administrasyon dahil sa sobra-sobra nang kapalpakan ng MRT.
“Pagdating po doon sa Sumitomo, direksyon po natin ‘yan na isa po sila sa talagang nirerekomenda natin na maging bagong rehab and maintenance service provider dahil sila po talaga ang nagtayo at nag-disenyo ng MRT-3, kumbaga may tinatawag tayong technical continuity kung sino ang muling papasok na maintenance service provider pero linawin po natin na hangga’t walang pinal na kasunduan with Japan ay wala pa po tayong masasabing bagong rehab and maintenance service provider.” Ani Narvaez
Samantala, ayon kay Narvaez, mayroon na silang pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para madagdagan ang mga bus na aayuda sa mga pasahero sa tuwing magkakaroon ng aberya ang MRT.
“Tayo po ay in close coordination sa ating road sector, sa mga ahensya kagaya ng MMDA at I-ACT, ongoing pa rin ‘yung EDSA bus augmentation service sa umaga para makapag-accommodate sa ating ilang MRT-3 riders, pero sa puntong ito ay limitado pa ang ating pick-up and loading points.” Pahayag ni Narvaez
‘MRT rehab’
Sa pagdinig kahapon kaugnay sa sitwasyon ng MRT, sinabi ni Department of Transportation o DOTr Undersecretary TJ Batan na hindi pa dumarating ang mga spareparts na kailangan para makumpuni ang mga bagong tren ng MRT.
Inaasahan umano ang pagdating ng mga ito bago matapos ang Pebrero kaya’t maaaring makapagpatakbo na ng sampung tren kung walang papalya sa mga ginagamit ngayon.
Magugunitang kahapon lamang ng umaga ay muli na namang nakaranas ng aberya ang MRT-3 kung saan pinababa ang mga pasahero sa pagitan ng Ortigas at Shaw Boulevard stations.
Sa kasalukuyan ay pitong tren lamang ang tumatakbo bawat araw na dati ay nasa 20 na may kakayahang makapagsakay ng 500,000 pasahero kada araw.
By Jennelyn Valencia with interview from Ratsada Balita