Dinepensahan ng Commission on Elections ang bago nitong polisiya kaugnay sa paggamit ng social media at artificial intelligence para sa pangangampanya sa 2025 midterm elections.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, handa silang makipag dayalogo sa iba’t ibang grupo at election watchdogs upang talakayin ang COMELEC resolution 11064.
Sa ilalim ng resolusyon, inaatasan ang mga kandidato at partido na i-register ang kanilang official social media accounts, website at iba pang online campaign platform sa COMELEC upang matiyak na hindi ito magagamit sa election propaganda.
Iginiit ng poll watchdog na kontra daya na bagama’t maganda ang intensyon ng COMELEC, masyadong malawak ang pakahulugan nito sa ‘fake news’ na kahit pagbibigay lamang ng patas na komentaryo ay maaring makunsiderang halimbawa nito.
Pinuna din ng makabayan coalition ang malaking saklaw ng resolusyon at nagbabala na maaari nitong maapektuhan ang kalayaan sa pamamahayag o ang freedom of expression.