Handa nang buksan at mag-operate ang bagong tayong seaport sa Pag-asa Island sa Palawan simula sa ika-12 ng Hunyo.
Ito ang kinumpirma ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa ginanap na pulong ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, kagabi.
Ayon kay Tugade, sisimulan na agad ang operasyon ng nabanggit na seaport at hindi na magsasagawa pa ng inagurasyon para dito.
Magugunitang Nobyembre ng 2016 nang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapatayo ng daungan sa Pag-Asa Island na isa sa pinakamalaking isla ng pinagtatalunang Spratly Group of Islands na kabilang sa inaangkin ng Pilipinas.
Nagkakahalaga ang itinayong seaport sa Pag-Asa Island ng P450-milyon.