Kumpiyansa si Defense Secretary Delfin Lorenzana na magiging maayos na ang pangangasiwa sa mga magbabalik bansang Overseas Filipino Workers (OFW’s) at seafarers sa mga susunod na araw.
Sa briefing kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Lorenzana na kanila nang napagkasunduan ng mga kalihim ng DOLE, DILG at National Task Force on COVID-19 na hanggang limang araw na lamang dapat ang pinakamatagal na pananatili sa metro manila ng mga uuwing OFW’s.
Ayon kay Lorenzana, nakahanda na ang kanilang ipatutupad na sistema para sa mga magbabalik bansang OFW’s at seafarers gayundin ang mga COVID-19 testing facilities sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila.
Dagdag ni Lorenzana, napagkasundo rin nilang limitahan ang bilang ng mga darating sa bansang OFW’s kada araw para maiwasang maulit ang pagkaka-stranded ng mga ito tulad nang nangyari noong nakaraang buwan.
According to Sec. Bello meron pang mga 42,000 siguro ang gagawin namin nila Sec. Galvez at Sec. Año ay kontrolin na natin yung pagdating, siguro 1,200 a day kung medyo lumuwag luwag pa 1,500 to 2,000 and then para mabilis ang ating processing,” ani Lorenzana.
Maliban sa mga balik bansang OFW’s at seafarers, inaasahan din ni Lorenzana ang pagdating ng mga Filipinong turista, estudyante at mga dayuhang permanent resident ng Pilipinas na naipit sa ibang bansa.
Aniya, kabilang ito sa kanilang mga aasikasuhin bagama’t hindi sasagutin ng pamahalaan ang pagsasailalim ng mga ito sa COVID-19 testing pagbalik sa Pilipinas.
Pero seperate sila dun sa OFW dahil yung OFW and seafarers tayong sasagot sa kanilang mga testing yung overseas Filipino na babalik ay sa kanilang gastos yun at asahan ninyo nitong darating na araw ay maayos nitong yung processing ng mga OFW’s,” ani Lorenzana.