Nakatakdang iharap ng DOLE o Department of Labor and Employment ang gagawing bagong bersyon ng Security Of Tenure Bill sa Ledac o Legislative- Executive Development Council meeting sa Lunes.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kanilang sisikaping matapos ang isang bago at katanggap tanggap na bersyon ng Security of Tenure Bill ngayong linggo alinsundo na rin aniya sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos naman aniyang i-veto ng Pangulo ang panukalang batas na naglalayon sanang tuluyan nang wakasan ang kontratuwalisasyon sa bansa.
Samantala, nagpaliwanag naman si Bello sa ginawang pag-veto ni Pangulong Duterte sa panukala.
Aniya, nais lamang ng Pangulo na mabigyang linaw ang probisyon na tumutukoy sa kahulugan ng labor only contracting na ipinagbabawal sa batas at ang mga trabahong maaaring i-outsource.