Babaguhin na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang istratehiya sa kanilang giyera kontra illegal drugs.
Sa ilalim ito ng Project Double Barrel Alpha na inaasahang ilulunsad ng pulisya sa lalong madaling panahon.
Sa ilalim ng binagong strategy, babawasan na ng PNP ang mga insidente kung saan napapatay ang mga suspects.
Sa halip, mas tututukan na di umano ngayon ng PNP ang pag-aresto sa mga prominenteng suspects tulad ng mga negosyante, pulitiko, government officials, militar, pulis at celebrities.
Sinasabing binago ang sistema makaraang magpahayag na rin ng pagkabahala ang ilang police officers sa implikasyon ng isyu sa extrajudicial killings sa imahe ng PNP.
Equipment from China
Ipinagmalaki ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang produktibong biyahe sa China.
Ito ay matapos makakuha si Dela Rosa ng 115 kahon ng mga bagong kagamitan kontra droga na libreng ibinigay ng China sa PNP.
Tumanggi naman si Dela Rosa na idetalye kung anong klaseng kagamitan ang natanggap nila para hindi mapaghandaan ng mga kalabang drug lords.
Kasabay nito, ipinabatid ni Dela Rosa na bibisita sa Pilipinas sa susunod na buwan ang anti-narcotics office ng Fujian Province sa China para makipagpalitan ng intelligence information sa PNP upang malabanan ang pagpasok ng iligal na droga sa Pilipinas.
Sa Fujian Province aniya nanggaling ang ilan sa mga iligal na droga at mga drug suspects na nahuli at nasawi sa anti-drug operations ng mga awtoridad dahil ang lalawigan ang pinakamalapit sa northern Luzon kung saan idinadaan madalas ang mga kontrabando mula sa China.
By Len Aguirre | Judith Larino | Jonathan Andal (Patrol 31)