Magsasagawa na ng soil re-investigation ang Department of Public Works and Highways upang mabatid ang sanhi ng “vertical displacement” o paglubog ng bagong tayong flyover sa Iloilo City.
Kamakailan ay ininspeksyon ng Regional Development Council (RDC) sa pangunguna ng National Economic and Development Authority-Western Visayas ang Ungka flyover na bumabagtas sa nasabing lungsod hanggang bayan ng Pavia.
Ayon kay Councilor Ely Estante, napag-alaman na itinayo sa isang replacement pile ang pundasyon ng nasabing istruktura na nagkakahalaga ng P680 million at pinondohan sa pagpupursige ni dating Senador Franklin Drilon.
Naniniwala anya ang RDC na ang vertical displacement ng four-lane flyover sa tatlo nitong pundasyon ay maaaring dulot ng pag-uga ng lupa lalo’t nakatirik ito malapit sa fault line.
Nadiskubre rin na manipis ang layer na pinagtayuan ng pundasyon at malambot ang lupa sa ilalim kaya’t umuuga at tila lumulubog.
Inirekomenda naman ng RDC na i-review ang commitment ng DPWH at contractor na International Builders Corporation upang matugunan ang nasabing problema.
Hunyo a – 30 nang bahagyang buksan ang Ungka flyover at tuluyang binuksan sa mga motorista noong September 6 pero makalipas ang labindalawang araw ay isinaraw ng DPWH dahil sa reklamong mauga ang tulay.