Nagpatupad na ng bagong testing at quarantine rules ang Inter-Agency Task Force para sa lahat ng pasahero mula sa mga bansa at teritoryong nasa “green” at “yellow” list, simula ngayong araw, Disyembre a-3.
Binubuo ang green list ng mga bansa o lugar na may low risk sa COVID-19 habang ang yellow list ay mga destinasyon na moderate risk sa COVID-19.
Ayon kay Acting Presidential Spokesman Karlo Nograles, dapat magsumite ng negatibong RT-PCR test sa loob ng tatlong araw bago umalis sa country of origin ang mga fully vaccinated individual.
Sasailalim naman sila sa facility-based quarantine at swab test sa ikalimang araw pagdating ng Pilipinas at kahit negatibo, kailangang mag-home quarantine ng dalawang linggo simula nang dumating sa bansa.
Para sa mga unvaccinated o partially vaccinated, dapat magpakita ng negative RT-PCR test na isinagawa sa nakalipas na tatlong araw bago umalis sa country of origin.
Sa sandaling dumating sa Pilipinas, sasailalim din sila sa facility-based quarantine kaakibat ang swab test sa ika-pitong araw at kahit negatibo ang resulta, mag-ho-home quarantine ang mga ito sa ikalawang linggo. —sa panulat ni Drew Nacino