Nagpatupad ang pamahalaan ng ilang pagbabago sa testing protocols para sa mga balik bansang Filipino at iba pang indibidwal na dumarating ng Pilipinas mula sa ibang bansa.
Ayon kay Testing Czar Vince Dizon, isang beses na lamang isasailalim sa test ang mga indibidwal na balik o papasok ng Pilipinas.
Paliwanag ni Dizon, hindi na isasailalim sa swab test ang mga ito pagdating sa paliparan, bagkus ay susuriin na lamang, limang araw matapos dumating ng bansa.
Aniya, dideretso na sa quarantine facility o hotel ang mga magbabalik bansang Filipino at iba pang darating ng Pilipinas at saka ite-test sa kanilang ikalimang araw sa quarantine.
Dagdag ni Dizon, lahat ng magkakaroon ng negative test results ay iendorso sa kanilang uuwiang local government units (LGU) kung saan sila imomonito para sa nalalabi pang araw ng kanilang 14-day quarantine.
Habang, kukunin naman ang samples ng mga magpopositibo sa test upang masuri ng Philippine Genome Center para matukoy kung bagong variant ng coronavirus ang kanilang taglay.
Magugunitang, ipinag-utos ng IATF ang dalawang beses na pagsasailalim sa testing ng mga pasaherong Filipino na magmumula sa mga bansang sakop ng travel restrictions kung saan ang unang test ay pagdating nila ng Pilipinas habang ang ikalawa ay matapos ang limang araw.