Itinanggi ng Department of Tourism o DOT na ginaya nila ang konsepto ng Tourism advertisement ng South Africa sa bago nilang ad na “Experience Philippines”
Ito ay makaraang mapansin ang pagkakahawig ng dalawang tourism commercial na kinatatampukan ng parehong bulag na karakter na matutuklasan lamang sa bandang huli nang makitang gumamit na ito ng baston.
Ayon kay Tourism Undersecretary Ricky Alegre, ang kaibahan ng kanilang bagong ad sa South Africa ay hango ito sa tunay na karanasan ng isang dayuhang retiree.
Binigyang diin ni Alegre na base ang kanilang ad sa mga testimonya ng mga dayuhang dito na piniling manirahan matapos magretiro lalo’t Pilipinas ang isa sa mga magagandang lugar para sa mga retirees.
“Itong Hapon na ito na retiree ay tunay, enjoy-enjoy niya ang Pilipinas kahit na siya’y bulag, yan ang pinaka-essence nito kaya experience Philippines because life is better, call to action, yung unang (Anak) ad millennials ang target audience natin, pero let’s face it napakaraming retirees sa buong mundo na gustong mag-retire dito, at isa na itong Hapon na ito na tunay na retiree na kahit siya’y handicapped eh ramdam na ramdam niya ang Pilipinas at mga Pilipino. Dalawa pa yan, 4 na bagong TVC yan lahat tungkol sa spirit ng Filipino all under the campaign ‘It’s More Fun in the Philippines’. Bakit gusto nila ditong mag-retire? Una ang klima, maganda ang weather natin, ang tao napakabait, accomodating at may dalang healing hands gaya ng hilot, at pangatlo ang pagkain nating very Asian maraming gulay at mura pa.” Pahayag ni Alegre
https://www.youtube.com/watch?v=k6w7fwDrIzo
By Ralph Obina | Balitang Todong Lakas (Interview)
Video Credit: Tourism Philippines /Youtube