Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Agriculture Undersecretary Bernadette Romulo-Puyat bilang bagong kalihim ng Department of Tourism o DOT.
Ito’y bilang kapalit ni outgoing Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo makaraang tuluyan na itong magbitiw sa puwesto sa harap ng kontrobersiya sa paglalagay ng advertisement sa government TV station na PTV-4.
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag hinggil dito ang Malacañang, mismong si Special Assistant to the President Cristopher Bong Go ang nagkumpirma nito sa mga mamamahayag.
Magugunitang hapon na kahapon, Mayo 8 nang kumpirmahin ni Presidential Spokesman Harry Roque na tinanggap na ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw ni Teo sa puwesto matapos nitong pabulaanan ang naunang report ng pahayagang The Philippine Star.
Sinabi rin ni Roque na nagpapasalamat sila kay Teo sa magandang pakikitungo nito sa administrasyon sa loob ng halos tatlong taon nitong pagsisilbi sa bayan bilang Tourism secretary.
(Credit: Presidential Photos)