PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasinaya sa Mariveles-Hermosa-San Jose (MHSJ) 500 Kilovolt transmission line ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) sa Bataan.
Sa kanyang speech, sinabi ni PBBM na sa sandaling maging operational na ang linya ay mas mapapalakas nito ang power transmission services hindi lang sa Region 3 kundi maging sa Metro Manila.
Kokonekta naman ang transmission line sa iba pang proyekto sa Bataan gaya ng Battery Energy Storage System sa Limay na napasinayaan noong nakaraang taon at Bataan-Cavite Interlink Bridge.
Ang MHSJ 500 Kilovolt (kV) ay ginastusan ng P20.94 bilyon at inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon kay Pangulong Marcos, bahagi ng proyekto ang mahigit 275.6 circuit kilometers na overhead lines na mayroong 395 towers at 2 bagong substations.
Ang MHSJ transmission line ay may kabuuang transmission capacity na 8,000 megawatts (MW).
“This way, we can meet our increasing energy demand, encourage technological advancements, and produce more employment opportunities for our people,” ayon sa Pangulo.
Samantala, ipinagmalaki naman ni NGCP President Anthony Almeda na nasa 59 million households at iba pang power consumers ang magbebenepisyo sa MHSJ bilang backbone facility na magpapatatag pa ng power transmission services sa Luzon.
“This critical backbone provides a new high voltage link capable of transmitting a total of 8,000MW of power from power plants in Bataan and Zambales,” ani Almeda.
Kasabay nito, nagpasalamat din si Almeda kay Pangulong Marcos bunsod ng commitment nito na mapahusay pa ang imprastruktura sa bansa na naging dahilan upang makumpleto ang ilang NGCP big-ticket projects sa nakalipas na 12 buwan, kabilang ang Mindanao-Visayas Interconnection, Cebu-Negros-Panay 230kV Interconnection, at ang bagong 500kV line sa Bataan.
“Marami na pong nagawa ang NGCP, at marami pa kaming gagawin para makatulong na maiangat ang ekonomiya ng bansa. Asahan n’yo po na kaisa ng gobyerno, lagi kaming nakahandang tumulong at sumuporta,” pahayag pa ni Almeda.