May nabuo nang bagong water concession agreement ang pamahalaan na ipapalit sa kasalukuyang itinuturing na kuwestiyonableng kontrata ng Maynilad at Manila Water.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos aniyang matalakay ang usapin sa ginanap na cabinet meeting kagabi.
Ayon kay Panelo, binalangkas ang bagong kontrata ng Office of the Government Counsel Corporate (OGCC) at Department of Justice (DOJ) na nakatakdang ibigay sa dalawang water concessionaire.
Pagtitiyak ni Panelo, tinanggal na sa binuong bagong water concession agreement ang mga natukoy na onerous o kuwestiyonableng probisyon.
Binigyang diin naman ni Panelo na sakaling hindi tanggapin ng Maynilad at Manila Water ang bagong kontrata, tuluyan nang ina-nationalized o muling kukunin ng pamahalaan ang operasyon sa distrubusyon ng tubig sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.
Itutuloy din ang pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot sa paggawa ng sinasabing onerous contract sa dalawang water concessionaire.
Gayunman, sinabi ni Panelo na wala pa ring magiging katiyakan ang Maynilad at Manila Water kung hindi na masasampahan pa ng reklamo sakaling tanggapin din ng mga ito ang bagong alok na kontrata.