Nagpalabas ng mga panuntunan ang Baguio City government para sa curfew hours at liquor ban sa pagsisimula ng general community quarantine sa Cordillera Administrative Region (CAR) ngayong araw na ito.
Ayon sa city government, ang curfew ay magsisimula ng alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng hapon maliban sa mga authorized persons outside residence (APOR).
Itinakda naman ng alas-8 ng gabi hanggang alas-10 ng umaga ang liquor ban.
Hindi pa rin makakalabas ng kanilang bahay ang mga 15-anyos at mahigit 65-taong gulang maliban lamang kung essential trips o for emergency.
Mahigpit pa ring ipatutupad ang pagsusuot ng face mask at face shield gayundin ang pag-obserba ng physical distancing.
Nasa 75% naman ang kapasidad ng mga pampublikong trasportasyon sa Baguio City.
Bukod sa CAR, nasa general community quarantine din ang Metro Manila, Batangas, Tacloban City, Davao City, Davao Del Norte, Lanao Del Sur at Iligan City.