Mas hinigpitan ang ipinatutupad na seguridad sa Baguio City Hall.
Kasunod ito ng pagsisiwalat ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nakatatanggap siya ng banta sa buhay at ng kanyang pamilya matapos namang tumestigo sa pagdinig ng Senado.
Kaugnay nito, ipinasara ang karamihan sa mga daanan papasok ng Baguio City Hall kung saan tanging main at back entrance na lamang ang maaaring madaanan.
Habang dadaan naman sa masusing pagsusuri ng security guard ang papasok sa city hall at nag-deploy na rin ng mga pulis sa paligid.
Samantala, humingi naman ng paumanhin at pangunawa sa publiko si Magalong sa abalang maaaring maidulot ng paghihigpit sa seguridad ng Baguio City Hall at tiniyak na pansamantala lamang ito.