Bahagyang luluwagan ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang kanilang ipinatutupad ng mga resktriksyon sa lungsod bunsod ng banta ng COVID-19 simula Lunes, Agosto 31.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, simula Agosto 31 suspendido na ang itinakdang schedule sa pagpunta sa malls ng mga residente sa lungsod.
Nangangahulugan itong hindi na kinakailangan pang magpakita ng mall at market passes sa pagpasok sa mga commercial establishments.
Gayunman, kinakailangan pa ring sundin ng mga residente ang itinakdang schedule sa pagtungo at pamimili sa mga pampublikong pamilihan batay sa kanilang nasasakupang distrito.
Papayagan din ang paglabas sa tahanan ng mga senior citizens para bumili ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo basta’t matitiyak ang pagsunod sa mga health protocols.
Aalisin na rin simula sa Setyembre 1 ang liquor ban sa Baguio City bagama’t hinihimok ni Magalong ang moderate drinking.
Samantala, mananatili naman ang mahigpit na patakaran para sa mga magmula ng ibang lugar na aakyat sa Baguio City.
Kailangan nating siguraduhin yun, hindi pwedeng i-compromise ang health at safety ng mga taga-Baguio. Ganun pa din yung proseso, ‘pag sakaling in-open na namin ang aming tourism industry itong September or October kung ano yung nararapat na oras at panahon talagang kailangan merong lahat ng bisitang aakyat, isa-subject na sila sa PCR test o kung ano-ano pang test,” ani Magalong.