Hinimok ng Local Government ng Baguio ang mga barangay official sa lungsod na agarang i-ulat ang anumang maaaring magdulot ng peligro sa mga residente at ari-arian, lalo tuwing may bagyo o malakas na ulan.
Inihayag ni City Information Officer Aileen Refuerzo na ang nasabing panawagan ng special services division ng tanggapan ni Mayor Benjamin Magalong ay bahagi ng flood management initiative ng lungsod.
Dapat anyang ipagbigay-alam ng mga barangay ang mga makikitang sala-salabat na kable ng kuryente, barado o umaapaw na kanal at mga patay o nagtumbahang puno na dulot ng malakas na ulan.
Hinikayat din ang mga residente na sumunod sa kautusan sa tamang pagtatapon ng basura lalo’t ang hindi wastong garbage disposal ay nagiging sanhi ng baradong mga kanal at ilog na nagdudulot ng pagbaha.
Samantala, batay sa datos ng NDRRMC ay aabot na sa P16.6 million ang halaga ng pinsalang idinulot ng pagbaha at landslides bunsod ng pag-ulang dala ng habagat sa sektor ng agrikultura sa Benguet.